MANILA, Pilipinas — Malacañang: Nakikipagtulungan ang Facebook sa Pamahalaan Laban sa Fake News at Marahas na Nilalaman | Itinuturing ng Malacañang na magandang senyales ang pakikipagtulungan ng Facebook sa pamahalaan sa pagtugon sa mga kahilingan na alisin ang mga mapanlinlang na impormasyon at marahas na nilalaman sa platform, lalo na sa gitna ng patuloy na pag-aalala sa epekto ng social media sa mga kabataan.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nakatanggap ang Malacañang ng pinakahuling ulat na tumutugon ang Facebook sa mga kahilingan ng pamahalaan, kabilang ang mabilis na pagtanggal ng mga post na naglalaman ng fake news at karahasan.
“Lahat naman tayo gumagamit ng Facebook. Ang huling impormasyon na nakarating sa atin ay may mga pagkakataon na kapag kinakailangan i-take down ang isang post na nagpapakita ng karahasan, o fake news, ay tumutugon naman ang Facebook,”
sinabi ni Castro sa isang press briefing kamakailan.
Dumating ang pahayag dalawang araw matapos talakayin ng Malacañang ang pagiging bukas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa posibilidad ng mas malawak na paghihigpit sa Facebook at iba pang social media platform dahil sa mga pangamba tungkol sa epekto ng mga ito sa mga kabataan.
Ipinaliwanag ni Castro na ang dating ulat mula sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at Department of Information and Communications Technology (DICT) ay nagbigay-diin sa pangangailangan para sa mas mabilis na pagtugon ng mga social media platform sa mapanganib na nilalaman. Gayunman, makalipas ang dalawang araw, nakatanggap ang pamahalaan ng bagong impormasyon na partikular na ang Facebook ay nakikipagtulungan sa mga kinakailangang hakbang.
“Noong Martes po ay nasabi po natin dahil ito din po ang nakita ng CICC (Cybercrime Investigation and Coordinating Center) at ng DICT ngunit makalipas ng dalawang araw ay binigyan po tayo ng impormasyon na ang Facebook particular ang Facebook ay tumutugon naman daw po sa mga dapat na gawin especially sa mabilisang pag-takedown ng mga fake news,”
aniya.
Hindi layunin ng pamahalaan ang blanket ban
Binigyang-diin din ng Malacañang na ang pagiging bukas ng Pangulo sa posibleng mas malawak na regulasyon ay hindi nangangahulugang plano ng administrasyon na ipagbawal ang lahat ng social media platform na hindi agad tumutugon sa mga alalahanin ng gobyerno.
Sa halip, sinabi ni Castro na patuloy na makikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga platform upang mahikayat ang mga ito na makipagtulungan sa pagprotekta sa publiko laban sa mapanganib na nilalaman.
“Mahirap na kausapin at hindi po ito ibig sabihin na kapag naman iyong iba na mga social media platforms ay hindi tumutugon ay lahat naman po ay dapat na ma-ban. Hindi po iyon ang nais ng ating Pangulo at ng ating administrasyon,”
pahayag niya.
Para sa Malacañang, ang pagtugon ng Facebook ay maaaring magsilbing halimbawa sa iba pang social media platform na may responsibilidad din na tumulong sa pagpigil sa pagkalat ng maling impormasyon at labis na marahas na content.
“Magandang senyales po iyan kasi para sa lahat na rin po ng social media platforms maging tulong po kayo sa pamahalaan para maiwasan po natin iyong mga bagay-bagay na hindi na po sana kumakalat dahil sa maling impormasyon o sobrang mararahas,”
aniya.
Panawagan sa iba pang online platforms
Hindi lamang social networking sites ang tinututukan ng pamahalaan. Hinimok din ni Castro ang iba pang digital platforms, partikular ang gaming applications, na seryosohin ang mga content na maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa mga bata at kabataan.
“So, pero ito po ay isang hudyat na rin para sa ibang mga lumalabag, lalong-lalo na iyong mga gaming apps na alam natin na nakakaapekto sa ating mga kabataan na maaring magdulot ng pagiging kanilang marahas at bayolente,”
sabi ni Castro.
Ayon sa Palace official, sa kasalukuyan ay wala namang malaking problema ang pamahalaan sa pagtugon ng Facebook sa mga kahilingan kaugnay ng fake news at marahas na nilalaman.
“Kung open man ang Pangulo, sa ngayon ang pinakahuling impormasyon, wala namang masyadong nagiging problema ang ating pamahalaan sa Facebook,”
aniya.
Patuloy namang pinag-aaralan ng pamahalaan ang mga posibleng hakbang upang matugunan ang pagkalat ng fake news, marahas na content at iba pang mapanganib na materyal online, partikular ang mga nilalamang maaaring makaimpluwensya sa mga bata at kabataan.
Sa gitna ng mabilis na paglaki ng paggamit ng social media at digital platforms, nananatiling mahalaga ang pagtutulungan ng pamahalaan at mga technology platform upang mapanatili ang isang online environment na mas ligtas para sa publiko, lalo na para sa mga kabataan.
via PCO | Diario De Manila
