AI-generated image
Manila, Philippines | Patuloy ang pag-aaral sa reporma ng pensiyon ng mga uniformed personnel — Palasyo
Nanatiling nakatuon ang administrasyong Marcos sa pagsusulong ng reporma sa sistema ng pensiyon ng mga military at uniformed personnel (MUP), habang nagpapatuloy ang masusing pagsusuri ng isang inter-agency group upang makabuo ng rekomendasyong balanse at kayang tustusan ng pamahalaan sa pangmatagalan, ayon sa Malacañang nitong Huwebes.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na patuloy na pinag-aaralan ng pamahalaan ang usapin upang matiyak na magiging makatarungan at sustenablye ang magiging sistema.
Batay sa pahayag ng Department of Budget and Management (DBM), sinabi ni Castro: “Sa ngayon ay ongoing pa ang pag-aaral. Sa ilalim ng Executive Order Number 107, Series of 2025, ang naatasang mag-aaral at magsasagawa ng komprehensibong pagsusuri o reporma sa military and uniformed personnel pension system ay ang binuong inter-agency na binubuo ng mga kinatawan ng DBM, DOF, BTR (Bureau of Treasury), and GSIS.”
Ipinaliwanag niya na pangunahing tungkulin ng inter-agency group na magsagawa ng malalim na pagsusuri sa kasalukuyang sistema at maglatag ng mga posibleng hakbang para sa reporma.
“Tungkulin ng nasabing inter-agency na magsagawa ng malalim na pag-aaral upang matiyak na magiging balanse, makatarungan at fiscally sustainable ang sistema ng pension, magrekomenda ang mga kaukulang hakbang o panukalang batas para sa reporma at inaatasan din ang lahat ng ahensiya ng MUP na magbigay nang buong suportang teknikal at administratibo sa nasabing technical group para sa pag-aaral na ito,” dagdag ni Castro.
Sa pamamagitan ng Executive Order No. 107, Series of 2025, na inilabas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Disyembre 2025, na-update ang base pay schedule at itinaas ang subsistence allowance ng mga military at uniformed personnel.
Samantala, naglaan ang administrasyon ng panukalang ₱142.95 bilyon para sa pensiyon ng MUP sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP). Mas mataas ito ng 6.8 porsiyento kumpara sa ₱133.91 bilyon na inilaan sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang pag-aaral ng inter-agency group, na layong makapaglatag ng mga repormang makatutugon sa pangangailangan ng mga uniformed personnel habang isinasaalang-alang din ang pangmatagalang kakayahan ng pamahalaan na pondohan ang sistema.
via PCO | The Philippines Herald
